TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Mahigit 50 ektaryang kagubatan ang nasunog sa panibagong forest fire sa Atok, Benguet habang naapula na ang apoy sa pinakahuling sunog sa Sitio Mawini, Duacan sa Kabayan ng nasabing lalawigan kahapon (Huwebes).
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Paul Gumangan ng Bureau of Fire Protection sa Atok; bukod sa 50 ektaryang natupok sa Barangay Englandad ay 15 ektarya naman ang nasira sa Barangay Topdac nitong nagdaang apat na araw.
Ang Atok ay ikalimang bayan sa Benguet na sinalanta ng wildfire na nagsimula noong Peb. 11 sa Sitio Buloc, Adaoay hanggang Barangay Eddet sa Kabayan.
Ang sunog ay nagtuloy pa sa paligid ng Mt. Pulag sa Bokod, Kibungan at Tublay.
Gayunman, ang sunog naman sa Sitio Mawini, Duacan sa bayan din ng Kabayan ay idineklarang Fire Out na ni SFO4 Hilario Caniedo ng BFP kahapon (Huwebes).