Wildfire sa Mt. Pulag naapula ng ulan, 1 pang sunog sumiklab sa Benguet

Pilit na inaapula ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection ang mabilis na paglaki at pagkalat ng apoy sa Brgy. Daclan at sa mga kabundukang sakop ng Bokod sa Benguet sa pagpapa­tuloy ng wildfire sa lalawigan kamakalawa.
Photo: BFP-Bokod

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Napahinto ng buhos ng ulan ang lumagablab na forest fire sa bahagi ng Mt. Pulag sa Kabayan, Benguet subalit sumiklab naman ang wildfire sa katabing kabundukan ng Brgy. Madaymen, Kibungan sa parehong lalawigan kahapon.

Sinabi ni Senior Fire Officer 4 Hilario Caniedo, hepe ng Bureau of Fire Protection­ (BFP) ng Kabayan na idinek­lara nilang fire out ang lugar na nasunugan ng mahigit tat­long ektaryang kagubatan no­ong Lunes.

Matatandaan na unang nanlumo ang mga awtoridad na nabigong pasukin ang wild­fire noong Linggo dahil sa matatarik na bangin, naghuhulugang tipak ng bato at makapal na usok patungo roon.

Sa katabing bayan ng Kibungan, kasalukuyang ina­apula ng mga awtoridad at mga mamamayan ang sunog na sumiklab sa Brgy. Madaymen kahapon.

Ayon kay Captain Douglas Akistoy Jr., hepe ng Kibungan Police Station, mano-mano ang pag-apula nila sa malaking apoy dahil hindi na maabot ng nag-iisang firetruck ang lugar ng sunog at mahirap din ang paglikom ng tubig mula sa mga daloy ng bukal sa kabundukan. 

Gayunman, bagama’t wa­­lang ulan sa Kibungan, kusang­ humupa ang naunang sunog sa Brgy. Lubo matapos huminto ang apoy sa malinis­ na boundary ng plantasyon­ ng sayote, dagdag ni Akis­toy.

Show comments