Lockdown vs ASF ikinasa sa Ifugao
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines - Tuluyan nang nagpatupad ng temporary lockdown ang lalawigan ng Ifugao para makaiwas sa pagkalat ng African swine fever (ASF) sa nasasakupan nito.
Batay sa ipinalabas na executive order ni Governor Jerry Dalipog, mahigpit ang pagbabawal ngayon sa pagpasok sa lalawigan ng anumang karne ng baboy maging ang mga alagang baboy at mga frozen products mula sa ibang lugar.
Ang hakbang na ito ay para masiguro na wala umanong mahahawa sa mga alagang baboy sa Ifugao matapos makumpirma na tinamaan na rin ng ASF ang Cordillera Region partikular ang lalawigan ng Kalinga at Benguet.
Nanawagan naman ang provincial veterinarian sa mga residente rito na makipagtulungan at huwag bibili ng mga karne na hindi dumaan sa mga pagsusuri. Maging ang pagkatay sa mga sariling alagang baboy ay hindi muna ipinapayo lalo na kung ang mga ito ay hindi rin nasuri ng mga kinauukulan.
Sa kasalukuyan, doble na ang paghihigpit sa mga checkpoint sa pagitan ng Nueva Vizcaya at Ifugao, Ifugao at Bontoc, at Isabela-Ifugao para matiyak na walang nakakapasok na anumang karne ng baboy sa lalawigan.
Samantala, nananatiling ASF free ang native na mga baboy kahit sa mga lugar na tinamaan ng ASF tulad ng Kalinga. Karamihan sa mga alagang native o baboy ramo ay hindi nakakulong at pagala-gala lamang sa mga bakuran.
- Latest