6-anyos sinakal, pinagsasaksak ng screwdriver ng amang adik

Sa masusing imbes­tigasyon ng pulisya, kalaunan ay inamin ng suspek na si Noel Lamusao, 45, ang krimen nang matagpuan siyang tulala at may bahid ng dugo sa katawan.
STAR/File

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 6-anyos na babae ma­tapos na patayin sa sakal at pagsasaksakin gamit ang screwdriver ng sariling ama na pinaniniwalaang sabog sa droga sa Brgy. Atulu, Iguig, dito sa lalawigan noong Huwebes.

Sa ulat ni P/Staff Sergeant Demetrio Narag, natagpuan ng kanyang lola na naliligo sa sariling dugo at nakahandusay sa sahig ang batang si Princess Lamusao dakong alas-9:30 ng umaga.

Sinikap isugod ng mga kaanak ang bata sa Cagayan Valley Me­dical Center kung saan nalamang pinatay ito sa sakal at sinaksak ng screwdriver ng apat  na beses sa katawan ng ama.

Sa masusing imbes­tigasyon ng pulisya, kalaunan ay inamin ng suspek na si Noel Lamusao, 45, ang krimen nang matagpuan siyang tulala at may bahid ng dugo sa katawan.

Bagama’t hindi nagbigay ng karagdagang pahayag ang suspek kung bakit nito pinatay ang anak, sinabi ni Narag na isasailalim nila sa drug test at pagsusuri sa psychiatrist ang una.

Show comments