2-anyos na bata, sinunog ng nobyo ng nanay

Sa ulat ni Maigo Police Station commander Police Lt. Baltazar Deguilmo, nangyari ang krimen nang magalit ang suspek sa ina ng bata dahil sa nawawalang pera nito na nagkakahalaga ng P12,000.
File

MANILA, Philippines — Patay ang isang 2-anyos na paslit makaraang sunugin ng nobyo ng kanyang nanay sa Purok 7, Segapod, Maigo Lanao del Norte, Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Romnick Balde na residente sa nasabing lugar.

Batay sa ulat, halos maaabo na nang matagpuan ng mga pulis ang biktima makaraang sunugin ng suspek na si Florencio Curay.

Sa ulat ni Maigo Police Station commander Police Lt. Baltazar Deguilmo, nangyari ang krimen nang magalit ang suspek sa ina ng bata dahil sa nawawalang pera nito na nagkakahalaga ng P12,000.

Naunang binugbog ng suspek si Janet Balde at kinaladkad palabas ng videokehan kasama ang 2-anyos na anak nito.

Nakatakas ang ginang at nakahingi ng tulong sa kapitbahay ngunit naiwan ang kaniyang anak na siyang napagbuntunan ng galit ng suspek.

Hindi nagdalawang isip si Curay na sunugin ang bata kasama ang mga tuyong dahon. Kasong arson at murder in relation to RA 7610 o child abuse ang kakaharapin ng naarestong suspek.

Show comments