TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Mabilis na naitapon ng isang mag-utol ang laman na shabu ng 63 plastic sachet nang salakayin ng mga awtoridad ang kanilang umano’y tiangge ng droga sa Brgy. Smart, Gonzaga, Cagayan noong Biyernes.
Gayunman, nasamsam sa bahay nina Franz, 26-anyos, at kuyang si Hanz Christian de Gracia, 28, ang sari-saring drug paraphernalia kung kaya sinampahan pa rin sila ng kasong paglabag sa anti-illegal drugs law.
Nabatid na natunugan ng mag-utol ang paparating na raiding team kaya’t pinaniniwalaang mabilis nilang nai-flush sa inidoro ang laman ng 63 sachets ng shabu.
Ayon kay P/Staff Sergeant Bernabe Dayag Jr., isasailalim pa sa crime laboratory ang mga basyong sachets na may shabu residue na maaaring magpabigat pa sa kasong pagtutulak ng mag-utol.
Ayon kay Dayag, umaming tulak ang nakatatandang De Gracia nang sumawsaw ito sa Oplan Tokhang noong 2016 at muling inilagay ng pulisya sa masusing surveillance nang bumalik siya sa kalakaran ng droga.
Isinagawa ang raid sa teritoryo ng magkapatid matapos magpalabas ng search warrant si Aparri RTC Presiding Judge Nicanor Pascual Jr.