Magkakaanak sinuwag ng trak: 3 patay, 2 sugatan

Hindi na umabot pang buhay sa General Cailles Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa katawan ang mga biktimang sina Elma Tonel Garcia, 25, anak na si Eljey Tonel, 5, at Carl Justine Montegrande Macu-nal, 7-anyos.
Philstar.com/File Photo

MANILA, Philippines – Tatlo sa limang magkakaanak ang nasawi kabilang ang isang mag-ina habang dalawa ang suga­tan nang sila’y tumbukin  ng isang rumaragasang delivery truck habang nagla-lakad  sa gilid ng kalsada sa Pangil, Laguna nitong Huwebes ng madaling araw.

Hindi na umabot pang buhay sa General Cailles Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa katawan ang mga biktimang sina Elma Tonel Garcia, 25, anak na si Eljey Tonel, 5, at Carl Justine Montegrande Macu-nal, 7-anyos.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatang sina Gretchen Barrera Tonel, 29-anyos, at Giselle Mon­te­grande Macunal, 25; pawang mga residente ng Barangay Sulib ng nabatid na bayan.

Sumuko naman sa Pagsanjan Municipal Police Station (MPS) ang delivery truck driver ng W.L. Food Products na si Mark Saldo, 29, residente Brgy. Bignay, Valenzuela City.

Sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw, galing umano ang mga biktima sa isang birthday party nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Naglalakad umano ang mga biktima sa gilid ng high­way na sakop ng Brgy. Sulib nang biglang sumulpot ang humahagibis na Isu­zu truck (AAB 1400) na minamaneho ni Saldo at sinalpok ang mga biktima.

Mabilis namang sumak­lolo ang mga Pangil rescue team at isinugod sa pagamutan ang mga biktima kung saan sawing-palad na nasawi ang tatlo habang ang suspek ay unang tumakas sa takot na maku-yog ng taumbayan ngunit sumuko rin sa himpilan ng Pagsanjan Police.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at physical injuries si Saldo.

 

Show comments