TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dahil sa banta ng pagkalat ng 2019 novel coronavirus o nCoV, nagpasya si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kanselahin ang opening parade ng pamosong “Panagbenga Festival 2020” na nagbubuklod ng maraming tao sa kanyang teritoryo na nakatakda sana ngayong Sabado.
Sa kanyang abiso sa Baguio City Hall kahapon, sinabi ni Magalong na inuuna niya ang kapa-kanan ng maraming tao laban sa banta ng kumakalat na virus na nagmula sa Wuhan City, China.
Maliban sa opening parade, kinansela rin ni Magalong ang nakatakdang Cordillera Regional Athletic Association (CARAA) Meet at iba pang “high-density population gathering activities” sa susunod na tatlong linggo.
Gayunman, nang tanungin ng PSN kung kasama ba sa kakanselahin ang pangwakas na Grand Float Parade ng Panagbenga sa Feb.29 dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, sinabi ni Magalong na oobserbahan muna ng kanyang pamunuan ang takbo ng sitwasyon sa mga susunod na linggo bago magpasya kung itutuloy o kakanselahin din ito.
Nagpaalala rin si Magalong sa mga mamamayan na magsagawa ng precautionary and proactive measures laban sa nCoV.