MANILA, Philippines — Limang suspek sa brutal na pagpatay kay dating 2nd District Batangas Rep. Edgar Mendoza, bodyguard at driver nito na natagpuang sinunog ang mga bangkay sa Tiaong, Quezon noong unang bahagi ng Enero ng taon ang hawak na ng mga awtoridad, ayon sa isang opisyal kahapon.
Sinabi ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Police Brigadier General Joel Napoleon Coronel, isinailalim nila sa kustodya ang ilang personalidad upang maresolba ang krimen.
“We have several persons under custody now who we believe are connected in the killing of former Congressman Edgar Mendoza,” pahayag ni Coronel.
Ani Coronel, patuloy na sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang limang suspect na hindi muna pinangalanan hangga’t hindi pa natutukoy ang mastermind sa krimen at patuloy ang pangangalap ng ebidensya laban sa kanila.
“We will be consul-ting with the Department of Justice prosecutors on this account so we would be able to file a strong case against these suspects,” anang opisyal.
Magugunita na ang bangkay ni Mendoza, driver na si Nicanor Mendoza at bodyguard nitong si Ruel Ruiz ay natagpuan ang sunog na mga katawan sa isang tulay sa Brgy. San Francisco, Tiaong, Quezon noong Enero 9 matapos na silaban ang behikulo ng dating solon.
Ang nasunog na isang Honda Civic (DAN-6374) ay positibo namang kinilala ng anak ng dating kongresista na si Edgar.
Magugunita na ang dating kongresista ay umalis sa kanilang bahay sa Batangas City noong Enero 8 para makipag-meeting sa Calamba City, Laguna pero nabigo na silang makauwi at kinabukasan ay natagpuan ang halos hindi na makilalang bangkay ng mga biktima sa Tiaong, Quezon.