3 sekyu nangulimbat ng relief goods, tiklo

Kinilala ni Police Col. Edwin Quilates, Batangas Provincial Police Office Director ang mga suspect na sina Junel Romano, 21, ng Calicanto, Batangas City; Johnson Rey Manimtim, 29, at Junito Mañabo, 32, ng Brgy. Tingga Labac, Batangas City na kapwa nahaharap sa kasong qualified theft.
STAR/File

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang tatlong security guard matapos silang maaktuhang nangu-ngulimbat umano ng mga relief goods na nakalaan para sa mga Taal evacuees sa isang evacuaton center sa Batangas City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni Police Col. Edwin Quilates, Batangas Provincial Police Office Director ang mga suspect na sina Junel Romano, 21, ng Calicanto, Batangas City; Johnson Rey Manimtim, 29, at Junito Mañabo, 32, ng Brgy. Tingga Labac, Batangas City na kapwa nahaharap sa kasong qualified theft.

Sa imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa evacuation center sa Batangas Sports Complex sa Brgy. Sta Rita.

Ayon kay Quilates, ang tatlo ay sangkot sa pangungulimbat ng dalawang kahon o 127 piraso ng Lucky Me instant noodles na nagkakahalaga ng P1,905; 19 piraso ng Nissin cup noodles na nagkakahalaga ng P475.00; 74 piraso ng sardinas na P1,628.00 ang halaga; 12 plastic bags ng bigas na P1,320 ang presyo at 15 piraso ng mga damit.

Lumalabas na umaabot sa kabuuang P6,828.00 ang nakulimbat umano ng mga suspect.

Ang mga suspect ay agad namang inaresto ng nagrespondeng mga elemento ng pulisya.

Show comments