Tserman inambus: 1 patay, 2 sugatan

Kinilala ang nasawi na si Kunti Kadatuan Solai­man, nagsilbing driver ng multicab habang ang mga sugatan ay sina Brgy. Ilian Chairman Kutin Idtug, 67-anyos, may asawa at Antonio Saban, 53, Brgy. Kayaga, Kabacan.
Miguel De Guzman/ File

NORTH COTABATO, Philippines —  Patay ang 43-anyos na miyembro ng barangay peacekeeping action team (BPAT) habang sugatan ang isang barangay chairman na hinihinalang target sa ambush at isa pang kasamahan matapos silang pagbabarilin ng walong ‘di pa kilalang suspek habang lulan ng multicab sa Barangay Road, Brgy. Ilian, Matalam, dito sa lalawigan noong Sabado ng hapon. 

Kinilala ang nasawi na si Kunti Kadatuan Solai­man, nagsilbing driver ng multicab habang ang mga sugatan ay sina Brgy. Ilian Chairman Kutin Idtug,  67-anyos, may asawa at Antonio Saban,  53, Brgy. Kayaga, Kabacan. 

Batay sa ulat,  ala-1:45 ng hapon habang sakay ng kulay berdeng multicab (1201-474363) na pag-aari ng gobyerno ang mga biktima at binabagtas ang nasabing lugar nang big­lang sumulpot ang walong armadong lalaki at sila ay pinagbabaril.  

Minalas na napuruhan ang nagmamanehong si Solaiman na nagtamo ng maraming tama ng bala sanhi ng agaran nitong kamatayan habang mabilis na isinugod sa ospital ang nasabing kapitan ng barangay at si Saban.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya na pinamumunuan ni Police Major Brian Placer, hepe ng Matalam Police hinggil sa nasabing pananambang.

Show comments