MANILA, Philippines – Isang 14-anyos na dalagita ang natusta habang sugatan naman ang tatlo nitong kaanak matapos lamunin ng nagngangalit na apoy ang kanilang bahay sa sumiklab na sunog sa Brgy. San Jose, Santiago City, sa lalawigan ng Isabela, kamakalawa ng gabi.
Ang nasawing biktima ay si Nadine Zerrudo, 14, isang estudyante habang sugatan naman ang kanyang kapatid na si Sophia Zerrudo, 10, ang kanilang lolo na si Nestor Selmo, 64, at lola na si Aida Selmo, 64, na pawang nakatira sa Purok 5, Jacob St., sa nabanggit na lugar.
Napag-alaman na dakong alas 11:00 ng gabi kamakalawa habang mahimbing na natutulog ang dalawang bata kasama ang kanilang lolo at lola nang sumiklab ang sunog sa kanilang tahanan.
Agad namang rumesponde ang mga kagawad ng Santiago City Bureau of Fire Protection (BFP) at mga elemento ng PNP subalit hindi na nailigtas ang dalagita na na-trap sa loob ng kanyang kuwarto.
Idineklara namang ‘fire out’ ang sunog dakong alas-12:38 ng madaling araw.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian ang natupok habang inoobserbahan sa pagamutan ang kalagayan ng mga nakaligtas na biktima.