300 batang Dumagat tumanggap ng laruan
SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Himigit ku-mulang sa 300 batang Dumagat ang muling nagningning ang mga ngiti matapos makatanggap ng mga regalo mula sa SM City-Cauayan, dito sa lalawigan.
Ayon kay Krystal Gayle Agbulig, public relations manager ng SM City-Cauayan na nakabase sa Cauayan City ng lalawigang ito, ang mga laruan at iba pang mga kagamitan na ibinahagi sa mga kapus-palad na mga bata tulad ng mga Dumagat ay bahagi ng charity project ng SM Supermalls, Toy Kingdom at SM Cares na tinawag na “Bears of Joy”.
Katuwang ang mga mamimili sa lahat ng SM mall sa bansa ay napasaya ang mga batang walang mga laruan o kagamitan tulad ng mga Dumagat na napagkaitan ng marangyang buhay kumpara sa ibang mga bata sa bansa.
“Maraming salamat sa mga tumatangkilik sa lahat ng SM mall sa bansa, sapagkat ang mga batang nakangiti at napapasaya dahil sa mga natanggap na regalo ay mula sa donasyon at suporta ng mga mall shoppers,” pahayag ni Agbulig.
Pinasalamatan din ng SM City Cauayan sina Palanan Mayor Elizabeth Ochoa at Councilor Theo Garcia dahil sa suporta at tulong para sa pagpapasaya sa mga batang Dumagat.
Ang bayan ng Palanan kung saan naninirahan ang maraming mga Dumagat sa lalawigan ng Isabela ay isa sa pinakamalayong lugar ng lalawigan kung saan walang daloy ng elektrisidad at madalas na dinadaanan ng kalamidad lalo na ang mga bagyo.
- Latest