TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Itinumba ng pinaniniwalaang bayarang berdugo ang isang 56-anyos na mister habang nakikipagkwentuhan sa kanilang kagawad sa tapat ng kanyang bahay sa Brgy. Namambalan ng lungsod na ito noong Sabado.
Kinilala ni P/Lt. Colonel George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police ang pinatay na si Wilcado Canaya na nagtamo na tama ng bala sa ulo.
Natalsikan pa ng dugo si Kagawad Melanio Baccay na nakitang tumakas ang killer sakay ng isang puting pickup na tumalilis patungo sa direksyon ng Isabela dakong alas-8:50 ng gabi.
Ayon sa report, nagpaputok pa ng ilang ulit ang mga kasamahan ng suspek na nag-iwan ng mga basyo ng bala ng M16 armalite rifle sa lugar.
Isinugod sa People’s Emergency Hospital si Canaya subalit hindi na siya umabot nang buhay.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.