Senglot na taxi driver kakasuhan
Parak sa Baguio, tinangkang takbuhan
BAGUIO, Philippines — Sasampahan ng patung-patong na kaso ngayong Lunes ng Baguio City Police ang isang lasing na taxi driver na nagtangkang takbuhan ang isang pulis na sumabit pa sa kanyang sasakyan sa nasabing lungsod.
Sinabi ni Baguio City Police chief Police Col. Allen Rae Co, nakahanda na ang mga kasong isasampa laban kay Jone Dominguez Buclay.
Kabilang sa mga kasong isasampa sa taxi driver ay ang influence of liquor, direct assault, resisting arrest, grave threat at oral defamation.
Nilinaw ni Co na sa ngayon ay walang kasong kriminal na isasampa laban naman kay Baguio City Judge Roberto Mabalot na sumundo kay Buclay sa istasyon ng pulis at umano’y nanakot sa pulis para palayain an nasabing driver.
Matatandaan na nag-viral sa social media noong Disyembre 31 ang pagtakas umano ng taxi driver kay Patrolman Julius Walang na nakatalaga sa Baguio City Traffic Enforcement Unit. Nakita sa viral video na nakasabit si Wang sa hood ng taxi habang nagtatangkang tumakas si Buclay dahil sa traffic violation.
Kaagad dinala si Buclay sa police station para harapin ang kaso subalit sinundo siya ni Judge Mabalot.
Ayon sa pulisya, pinagsisigawan umano sila ng hukom nang hindi man lang nagtatanong kung ano ang nangyari kasunod ng pag-aresto sa naturang driver.
Giit ni Co, natakot ang mga pulis na makasuhan matapos na hilingin ni Judge Mabalot na pakawalan ang driver.
- Latest