CAVITE, Philippines – Isang high value target (HVT) at kasama nito ang nadakma ng pinagsanib na puwersa ng Imus Police at PDEA-Cavite sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Alapan 1-C, Imus City.
Kinilala ang mga suspek na sina Roberto Bayani, 36-anyos, matador ng Palanas Road, Brgy. Tanzang Luma 6, Imus City na HVT ng Cavite Police, at Amos Camantigue, 34, tricycle driver na nasa “newly identified drug watchlist” ng pulisya.
Ayon kay Cavite Provincial Director P/Lt. Col. Marlon Santos, alas-3:00 ng madaling araw nang ikasa ang buy-bust at isang pulis ang tumayong buyer na nakipag-deal sa mga suspek.
Nang magpositibo ang transaksyon, dito na inaresto ng mga operatiba ang matagal nang target na si Bayani at kasama nito. Nakuha sa dalawa ang may 5 plastic sachet na naglalaman ng nasa 26 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000 at ang marked money na ginamit sa operasyon.