BOCAUE, Bulacan, Philippines — Ilang oras matapos magsagawa ng inspeksyon si PNP OIC Director General Archie Gamboa sa mga tindahan ng paputok sa Brgy. Turo, isang tindahan ng paputok sa Brgy. Biñang 1st sa nasabing bayan ang nasunog kamakalawa ng gabi.
Tinatayang aabot sa kalahating milyong piso ang halaga ng mga nasunog na pyrotechnic materials sa AT Sayo Fireworks Store na pag-aari ni Konsehal Allaine Sayo ng Brgy. Abangan Sur, Marilao, Bulacan.
Sa imbestigasyon ng Bocaue Police sa pangunguna ni P/Lt. Col. Rizalino Andaya, nagsimula ang sunog sa stock room ng nasabing tindahan sa gawing likuran nito dakong alas 6:00 ng gabi. Abala sa pagbebenta ng mga paputok ang anim na empleyado ni Sayo kasama ang tatlong anak nito nang hindi nila mapansin na nasusunog na pala ang stock room ng kanilang tindahan.
Sa kabila nito, mabilis silang nakalabas ng tindahan bago pa man lumaki at kumalat ang apoy.
Natupok din ng apoy ang dalawang sasakyan, isang motorsiklo at isang bisikleta.