Inuna ang Xmas party kesa duty
BOCAUE, Bulacan, Philippines — Sinibak sa puwesto ang buong hanay ng isang police platoon ng Bulacan Provincial Police Office (PPO) makaraang wala ni isang pulis sa nasabing tanggapan nang magsagawa ng inspection dito noong Biyernes ng umaga.
Iniutos ni Bulacan PPO acting director P/Col. Emma Libunao ang pagsibak sa platoon leader na si P/Capt. Norheda Usman at mga tauhan nito na sina P/MSgt. Siegfried Dizon, P/SSgt. Benjamin Villasis Jr., Pat. Ronald Manzanade Jr. at Patw. Imee Sheryl Florentino; pawang nakatalaga sa 3rd Maneuver Platoon ng First Police Provincial Mobile Force Company (1st PPMFC) ng Bulacan PPO na nakabase sa Brgy. Turo, bayan ng Bocaue.
Ayon kay Col. Libunao, dahil sa “abandonment of post” kaya inalis nito sa puwesto ang limang pulis matapos na wala sa duty sa surprise inspection sa kanilang tanggapan sa kabila na nakaalerto ang pulisya sa panahon ng Kapaskuhan at sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Nabatid na ilang araw ang nakalipas bago ang inspeksyon, una nang nagsagawa ng pagbisita sa tanggapan ni Usman ang mga personnel ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) kung saan wala rin umanong inabutan na pulis dito kaya’t pinagpaliwanag ang nasabing opisyal sa tanggapan ng PIAS sa Malolos.
Sinasabing kaya walang pulis sa naturang himpilan dahil dumalo umano ang lima sa Christmas party.
Itinalaga naman si P/Lt. Col. Anthony Manglo sa 1stPPMFC kapalit ni Usman na nasa floating status sa Bulacan PPO.