MANILA, Philippines — Bayombong, Nueva Vizcaya, Philippines — Isang moderno at matatag na tahanan para sa lokal na pamahalaan ng tinaguriang summer capital town ng Cagayan Valley ang iniregalo ni Senator Bong Go bilang pamasko sa mga katutubong residente sa bayan ng Kayapa sa lalawigang ito.
Ayon kay Nueva Vizcaya Vice Governor Jose Tomas Sr., pormal na isinagawa ang katutubong groundbreaking rites para sa pagpapatayo ng P40 milyon na bagong gusali ng Kayapa municipal Hall, ilang araw bago ang Pasko.
Pinangunahan ni Tomas, Mayor Elizabeth Balasya at ang kinatawan ni Senator Go na si Atty. Danny Yang ang nasabing okasyon na sinaksihan ng ng iba’t ibang lider ng mga Indigenous Peoples (IP), mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mamamayan sa nasabing bayan.
Inihayag ni Tomas na hindi niya akalain na pagbibigyan ni Go ang kanyang kahilingan para sa isang bagong municipal hall sa bayan ng Kayapa dahil sa aksidente lamang umano ang kanilang pag-uusap sa isang okasyon sa Malacañang.
Ayon naman kay Go, ang nasabing proyekto ay alay niya bilang pamasko sa mga residente ng Kayapa, ang bayan na tinagurian din bilang vegetable bowl at the flower capital of Region 2.
“The new municipal hall is my personal pledge to Vice Governor Jose Tomas Sr., and Mayor Elizabeth Balasya, I hope you will enjoy this Christmas gift from me,” pahayag ni Go sa kanyang mensahe na binasa ni Yang.
Maluha-luha naman na nagpasalamat ang alkalde kay Go dahil sa hindi inaasahang napakalaking biyaya sa kanilang bayan para mapalitan ang lumang-luma nilang gusali na gawa sa kahoy at itinayo pa may pitong dekada na ang nakalilipas.