MANILA, Philippines — Timbog ang isang pulis matapos siyang maaktuhan ng kanyang mga kabaro na pumupusta sa isang cockpit arena sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela, kamalawa ng gabi.
Kinilala ang nasakoteng parak na si Police Senior Master Sergeant Kenneth Galope, 39-anyos, residente ng Brgy. Quibal, Delfin Albano ng lalawigan.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 2 Director Police Brig. Gen. Angelito Casimiro, inaresto noon din ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monito-ring Enforcement Group (PNP-IMEG) si Galope sa aktong tumataya sa sabungan sa Jaycee Clay Cockpit arena sa naturang lugar.
Ang PNP-IMEG ay ang anti-scalawag unit ng PNP na binuo upang tutukan ang internal cleansing ng pulisya kabilang na ang mga pulis na nasasangkot sa illegal gambling.
Kaugnay nito, muli namang binalaan ni Casimiro ang kapulisan sa Region 2 na iwasan ang anumang uri ng illegal gambling at iba pang iligal na gawain na taliwas sa mandato ng PNP.
“We are not just looking for criminals in the street, we are also keeping an eye to our cops who are traversing the wrong path”, ang sabi pa ng heneral.