LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Sugatan ang tatlo katao kasama ang 1-linggong gulang na sanggol habang nasira ang mga kabahayan at sasakyan matapos na mag-collapse ang nakatayong malaking water tank at sumabog ito sa loob ng isang subdibisyon sa Brgy. Estansa, lungsod na ito noong Lunes ng gabi.
Isinugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital at patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga biktimang si Emily Arimado Bien, 51-anyos; Daniel Santillan Omles, 24-anyos at kanyang beybi; pawang residente ng nasabing lugar.
Sa ulat, dakong alas-7:40 ng gabi habang kumakain ng hapunan ang mag-anak nang biglang bumagsak ang malaking tangke ng tubig ng Rosmont Heights Subdivision sa tabi ng kanilang bahay. Dahil sa bigat bunsod ng libu-libong galon na kargang tubig ay parang bombang sumabog ang water tank na ikinasira ng apat na bahay sa paligid kasama na ang bahay ng mga biktima.
Nasugatan ang mga biktima dahil sa mga nabasag sa salamin bunsod ng lakas ng impact sa pagsabog ng tangke ng tubig.
Ayon sa isang residente na si Nelson Bien, nakita niya na umaapaw ang tubig sa tangke bago ito bumagsak. Animo’y may dagundong silang narinig na inakala ng ilan na nagkaroon ng landslides.
Maliban sa mga biktima, ilan pang residente ang nasaktan dahil sa nagtalsikang debris at bato.
Sa pagsisiyasat, apat na sasakyan ang nasira sa pagsabog ng water tank.