PAMPANGA, Philippines — Tinupok ng apoy ang isang oil plant na naging sanhi rin ng malalakas na pagsabog sa bayan ng San Simon, Pampanga nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ng Pampanga Police, dakong alas-11:30 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa oil plant ng Sunflare Industrial Corporation na matatagpuan sa Brgy. San Pablo Libutad ng nasabing bayan.
Nabatid na sa naturang oil plants kino-converts ang mga used oil sa diesel sa loob ng planta.
Ayon kay Police Staff Sergeant Jay dela Cruz, ng San Simon Municipal Police Station (MPS), nagkaroon ng sunog sa planta nang magkailaw kasunod ng brownout sa lugar.
Kasunod nito, ang ilang malalakas na pagsabog ang narinig sa naturang planta.
Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente dahil ang naturang planta ay may ilang kilometro ang layo sa mga residential area.
Mabilis na naapula ang apoy matapos na magresponde ang mga bumbero at idineklarang under control ang sunog dakong alas-12:10 na ng madaling araw.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang may-ari ng planta hinggil sa insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.