CAVITE, Philippines – Apat na magkakaklase sa senior high school kabilang ang isang menor-de-edad ang naaktuhang humihithit ng marijuana sa isang abandonadong bahay sa isang subdivision sa Brgy. Lantic, Carmona, lalawigang ito kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang mga estudyante na sina Christian Espiritu, 18; Roy Paquita, 19; John Michael Bartolazo, 19; at isang alias Jomar, 17, pawang mga residente ng Carmona, Cavite. Sa ulat ng Carmona Police kay Cavite Provincial Director P/Lt. Col. Marlon Santos, alas-4:15 ng hapon nang ireport ng barangay at sekyu ng Carmona Estates, Phase 4 Amandala ang umano’y pagkakahuli nila sa apat na nagma-marijuana session sa loob ng isang abandonadong bahay sa Blk. 6, Lot 22 ng nasabing subdivision. Kasama ang Paceer Security Agency Inc. sa paghuli sa mga estudyante. Ayon sa guwardya, nakita nito ang pagpasok ng mga estudyante sa abandonadong unit na ikinaduda nito kung kaya agad siyang tumawag sa barangay at pulisya. Narekober sa mga estudyante ang isang glass pipe na may marka pa ng mga dahon ng marijuana.