Mister na nagpapatay sa kanyang mag-ina nalambat

Isinagawa ang pag-aresto kay Sta. Ana batay sa warrant na ipinalabas ni Laguna Regional Trial Court Branch 102 Judge Gil Jude Sta. Maria Jr.
STAR/File

MANILA,Philippines — Isang mister na nagpapatay umano sa kanyang asawa at anak sa Sta. Rosa, Laguna may tatlong taon na ang nakakaraan ang nadakip ng mga awtoridad kamakalawa.

Nabatid sa hepe ng CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) Police na si Brig. Gen. Vicente Danao na ang suspek na si Ricardo Sta. Ana, 32 anyos, ay nadakip sa Bonifacio Global City sa Taguig nitong Sabado.

Isinagawa ang pag-aresto kay Sta. Ana batay sa warrant na ipinalabas ni Laguna Regional Trial Court Branch 102 Judge Gil Jude Sta. Maria Jr.

Ang asawa ni Sta. Ana na si Helene at anak nilang si Denzel ay natagpuang patay sa kanilang bahay sa Barangay Labas, Sta. Rosa noong Marso 2, 2016.

Naunang naaresto ka­ugnay ng pamamaslang ang mga suspek na sina Ramoncito Galo at Bryan Avistado na umamin sa krimen at sinabing si Sta. Ana ang utak nito, ayon kay Laguna Police Director Col. Eleazar Matta.

Kinasuhan sina Galo at Avistado ng murder, rape at theft. Si Sta. Ana ay sinampahan ng parricide pero dinismis dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Muli namang inimbestigahan ng National Bureau of Investigation ang kaso ni Sta. Ana nang ang biyenan niyang babae ay nagsampa ng isa pang kasong parricide laban sa kanya nitong buwang ito. Ayon kay NBI-Calabarzon Chief Daniel Daganzao, nakakuha ang NBI ng footage ng isang closed-circuit television camera na nagpapakita na nagpupulong sina Sta. Ana at ibang mga suspek bago pinatay ang mga biktima.

Show comments