Suspek sinaway sa inuman
MANILA,Philippines — Isang retiradong pulis ang nasawi habang sugatan naman ang isang opisyal ng Philippine Navy sa isang barilang nagsimula nang sawayin ng una ang huli sa pakikipag-inuman sa Indang, Cavite kamakalawa.
Agad na namatay sa insidente ang biktimang si Jose Alcantara, retiradong miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nagawa namang maisugod ni Petty Officer 2nd Class Dimple Feranil ang sarili sa MV Santiago Hospital dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa binti pero dito siya naaresto ng pulisya.
Sinabi ni Indang police Chief Major Mark Jason Gatdula na dakong alas-9:30 nang Sabado ng gabi nang maganap ang insidente habang nag-iinuman si Feranil at iba pa sa Barangay Poblacion ng nasabing lalawigan.
Bigla na lamang umanong dumating si Alcantara at pinahihinto sa inuman si Feranil at mga kasama niya sa pag-iinuman dahil sa maingay sila at mayroon pang nag-papaputok ng baril.
Dahil dito, kaya nagka-roon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa na humantong sa pagbabarilan nila hanggang mapatay ang biktima.