Kapitan at crew ng barko dinampot ng NBI at PCG
MANILA, Philippines — Naaresto ng magkasanib na puwersa ng National Bureau of Investigation at Philippine Coast Guard ang master at crew ng isang merchant ship nang mahulihan ng 53,000 metric tons (MT) ng toxic substance mula Gwangyang Port, South Korea.
Base sa ulat mula sa National Coast Watch Center, ang PCG-NBI team ay nagtungo sa Cabangan, Zambales upang harangin ang Liberian-flagged merchant ship mula South Korea na may kargang phosphogypsum.
Nagbababa ang crane operators at ilang crew nang dumating ang mga tauhan ng PCG at NBI sa Cabangan Wharf, Cabangan.
Iginiit ng mga crew na ang nasabing sangkap ay dadalhin sa San Mateo, Rizal.
Paliwanag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang phosphogypsum ay ‘radioactive’ dahil sa pagkakaroon ng natural elements.
Agad namang hiniling ng grupo sa kapitan ng barko ang cargo permits ng nasabing operasyon ngunit hindi ito nakapagpakita.
Dahil dito, pinigil ang unloading operation dahil sa kanilang paglabag sa ilalim ng Republic Act (RA) 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 at RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Dinala na sa NBI headquarters sa Maynila ang master o kapitan ng barko para sa tamang kustodiya at pag-iimbestiga.
- Latest