KIANGAN, Ifugao, Philippines — Nagsagawa ng isang ritwal ang mga sundalo ng Cordillera kasama ang ilang Mumbaki (Pagan priest) para sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Tiger Hill, Kiangan, Ifugao nitong Biyernes.
Sa isinagawang ritwal ng mga tropa ng 54th Infantry Battalion (54IB) kasabay ng 34th founding anniversary celebration ng Magilas Troopers na nakabase sa bayang ito, hiniling ng mga Mumbaki kay Maknongan (God) ang mapayapa sanang pagsuko ng mga rebeldeng grupo na kumikilos sa mga kabundukan ng Ifugao, Mountain Province, Benguet at ilang bahagi ng Nueva Vizcaya sa nasasakupan ng 54IB para tuluyan nang makamtan ang kapayapaan at maiwasan ang pagbubuwis ng buhay sa pagitan ng dalawang pangkat.
Hiniling din sa nasabing ritwal ang kaligtasan ng mahigit sa 200 na rebelde at kanilang mga tagasuporta na unang sumuko sa pamahalaan sa nasasakupan ng 54ID kung saan 28 sa kanila ang personal na tumanggap ng tseke sa nasabing pagdiriwang bilang tulong pinansyal mula sa pamahalaan sa ilalim ng “e-clip program”.
Ayon kay M/Gen. Pablo Lorenzo, commanding general ng 5th Infantry Division na nakabase sa Gamu, Isabela na may sakop sa 54-IB, ang sunud-sunod na pagsuko ng mga rebeldeng NPA at kanilang supporters ay dahil sa sinserong programa ng pamahalaan. Aniya, may natitira pang 200 rebelde na kanilang target na magbalik-loob sa gobyerno na karamihan sa kanila ay nasa Isabela, Cagayan at Benguet.
Sinabi naman ni Lt./Col. Narciso Nabulneg, commanding officer ng 54-IB na patuloy nilang tutulungan ang mga rebeldeng sumuko katuwang ang iba’t ibang programa ng pamahalaan. Aniya, may mga rebel returnees na posibleng maging miyembro ng Philippine Army matapos makita na kwalipikado na maging sundalo habang ang iba ay nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.