MANILA, Philippines — Isang 12-anyos na estudyanteng babae ang malubhang nasugatan makaraang atakihin at sakmalin ng isang mabangis na buwaya sa isang sapa sa Brgy. Poblacion VI, Balabac, Palawan nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Haina Lisa Jose Habi, estudyante sa elementarya at residente ng Brgy. Catagupan, Balabac ng lalawigang ito.
Sinabi ni P/Lt. Col. Socrates Faltado, dakong alas-6:30 ng gabi habang ang biktima at kapatid nitong lalaki na kinilalang si Hashim Habi ay magkasamang tumatawid sa sapa nang biglang daluhungin ng buwaya.
Agad na sinakmal ng kagat ng buwaya sa binti ang dalagita na tinangka pa nitong tangayin sa malalim na bahagi ng sapa pero nagawang makapiglas ng dalagita at sa tulong ng kapatid nitong lalaki na pinaghahampas ng kahoy ang buwaya ay nabitawan ang biktima.
Nagawa namang makalayo sa lugar ng magkapatid bago pa man ang mga ito tuluyang mapahamak. Ang insidente ay inireport sa pulisya ng ama ng biktima bandang alas-7 ng gabi upang maaksyunan.
Kasalukuyan nang nagpapagaling ang biktima sa Regional Health Unit matapos siyang isugod sa nasabing pagamutan.
Pinaghahanap na ng mga barangay tanod at mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing buwaya upang maiwasan na makapaminsala pa ito ng iba pang residente.