1 pang tserman nilikida

Ang nasawing si Brgy. Lapnit Chairman Rosteo Salao sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan na itinumba ng dalawang ‘di pa nakikilalang salarin kahapon ng umaga sa nasabing barangay.
Omar Padilla

SAN ILDEFONSO, Bulacan, Philippines — Isa na namang kapitan ng barangay sa bayang ito ang pinaslang matapos pagbabarilin ng isang ‘di pa natutukoy na riding-in-tandem habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Brgy. Lapnit, kahapon ng umaga.

Apat na tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan ang agad na tumapos sa buhay ni Rosteo Salao, 67-anyos, may-asawa at kasalukuyang chairman ng naturang barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-5:50 ng umaga nang dikitan at pagbabarilin nang malapitan ng mga suspek na magka-angkas sa isang motorsiklo ang biktima habang minamaneho nito ang kanyang Honda Click motorcycle sa kanyang teritoryo.

Inaalam pa ng mga otoridad ang tunay na motibo sa pagpaslang sa biktima habang kasalukuyan pa ring tinutugis ng mga pulis ang dalawang suspek.

Magugunita na itinumba rin kamakailan si Chairman Felimon Lazaro ng Brgy. Malipangpang, San Ildefonso, Bulacan, at habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nadadakip ang mga salarin.

Show comments