^

Probinsiya

‘Bogwa’ ang tradisyunal na pag-alala sa mga patay sa Ifugao

Victor Martin - Pilipino Star Ngayon
‘Bogwa’ ang tradisyunal na pag-alala sa mga patay sa Ifugao
Makikita ang isang kabaong habang ipinapasok sa isang Gungat (burial cave) na nasa gitna ng rice terraces sa Brgy. Bitu, Hingyon, Ifugao.
Victor Martin

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Hindi man nila ginugunita ang Undas taun-taon tulad ng karamihang Pilipino sa bansa, ang mga Ifugao ay may kakaibang tradis­yon sa pagpapakita ng respeto at pagmamahal sa kanilang mga yumao.

Ito ay ang Bogwa, isang tradisyon sa mga katutubong Ifugao kung saan ipinapakita at binibigyan nila ng res­peto ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng paghukay o paglabas sa kalansay o buto ng mga namayapa sa kanilang puntod, lilinisin, babalutin sa tradisyunal na kumot  (Bayya-ong) at muling lalamayan sa loob ng dalawang gabi at tatlong araw.

Inuulit ang parehong mga gawain tuwing may nilalamayan subalit sa panahon ng Bogwa ay walang hinagpis at halos ang mga magagandang alaala ng pumanaw ang ginugunita kabilang ang salin-lahi ng kanyang angkan.

Hindi tulad ng pagdalaw sa mga namayapa sa sementeryo tuwing Undas, ang Bogwa ay isinasagawa ng sinuman na miyembro ng pa­milya anumang araw sa anumang buwan ng taon, depende sa kagustuhan ng naiwang pamilya.

Ang Bogwa ay itinuturing din na pinakamahal o pinakamagastos na tradisyon sa mga Ifugao kumpara sa ibang ritwal o selebrasyon dahil sa loob ng dalawang gabi at tatlong araw ay kinakailangan ng pamilya na magkatay ng baboy o kalabaw araw-araw.

“Hindi lamang mga kamag-anak ng yumao ang dadalaw sa Bogwa kundi buong tribu at karatig lugar at ito ay bukas sa lahat. Ang pagsasagawa ng Bogwa ay mas mahal pa kaysa selebrasyon ng kasal dahil sa umaabot ito ng tatlong araw,” pahayag ni Apo Daniel Himmayod na isa sa mga nabubuhay na Mumbaki (pagan priest).

Matapos ang tatlong araw, muling ibabalik ang mga buto o kalansay sa hukay, subalit karamihan ay inilalagay sa isang sulok sa kanilang bahay o ibinabalik sa Gu­ngat (sinaunang libingan) na ginawa ng sinaunang nagmamay-ari o gumawa sa mga rice terraces.

Ayon kay Himmayod, kadalasang isinasagawa ang Bogwa kapag ang namayapa ay laging nagpapakita sa mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng panaginip, tuwing may sakit sa pamilya na hindi naman matukoy ang dahilan o kapag ang isang balo ay mu­ling mag-aasawa.

BAYYA-ONG

BOGWA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with