MANILA,Philippines — Pitong kasapi ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF) ang sugatan makaraang masabugan ng improvised explosive device (IED) na itinanim sa Sitio Mapagkaya, Brgy. Dasawao, Sharif Saydona Mustapha sa lalawigan ng Maguindanao, kamakalawa.
Ayon kay MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces National Guard Front Commander George Kasim, nakilala ang mga malubhang nasugatan na sina Ahmad Guialudin, Norhamin Saliguidan at Islamin Ibrahim habang nagtamo ng minor injuries sina Asladin Ismael, Harold Adam, Dagul Balanu at magpinsang sina Fahad at Abdulhamid Matabalao.
Nagbabantay lamang umano sa kanilang kampo ang mga biktima nang masabugan ng bomba pasado alas-9:00 ng umaga.
Nabatid na kasama ng ilang tropa ng 57th Infantry Batallion ang mga biktima na nagbabantay sa lugar laban sa mga karahasang ginagawa ng mga ISIS Inspired terrorist na Bangsamoro Islamic Freedom Fighter sa lugar nang mangyari ang pagsabog.
Matatandaan na noong Oktubre 4, pitong miyembro rin ng MILF ang napaslang sa bakbakan laban sa parehong grupo.