NORTH COTABATO, Phillipines — Isang umano’y bomber na lider ng isang criminal gang at anim niyang kasamahan ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Armed Forces of the Phi-lippines at ng Philippine National Police sa Sitio Narra, Barangay Tumbras, Midsayap, North Cotabato kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Lt. Col. Glen Caballero ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army ang umano’y bomber na si Mama Macalimbol alyas Mama, 35 anyos, na responsable umano sa mga insidente ng pambobomba sa bayan ng Midsayap, partikular sa simbahan ng Katoliko, at tumatayong pinuno ng isang armadong grupo na sangkot din sa iba’t ibang mga krimen sa bayan at sa buong lalawigan ng North Cotabato.
Nabatid kay Police Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 10, na si Macalimbol ay no. 4 most wanted person sa watchlist ng pulisya at may nakabimbing arrest warrant na ipinalabas ng Branch 28 ng Midsayap Regional Trial Court.
Isinisilbi ng magkasanib na puwersa ng militar at pulisya ang arrest warrant kay Macalimbol sa Sitio Narra nang pumalag ito at ang grupo nito na nagpa-putok sa mga awtoridad na nauwi sa pagbabarilan ng magkabilang panig hanggang mapatay ang pitong suspek.
Sa hiwalay na panayam kay Police Lt. Col. John Meridel Calinga, hepe ng Midsayap Police, bukod kay Macalimbol at kasama nitong si Bidis Macarimbang ay patuloy pa nilang inaalam ang pangalan ng ibang mga suspek. Apat na kasamahan ng mga ito ang nakatakas.
Sinabi naman ni Caballero na ang mga suspek ay nakikipag-alyansa rin sa Bangsamoro Islamic Freedom fighters o BIFF.
Narekober sa mga bangkay ng mga nasawi ang dalawang cal.30 garand riffle, isang 7.62mm, isang Cal. 50 Improvised Barret, isang 7.62 mm M14 Rifle, isang Improvised 7.62 mm M14 Rifle with defaced serial number; at isang M16 5.56 mm Rifle bearing with serial number RP 182162.
Agad namang kinuha ng mga kaanak ang bangkay ng pitong namatay at inilibing na rin kahapon.