BATANGAS , Philippines — Patay ang 35-anyos na lokal na turista matapos pagbabarilin ng isang lalaking bangag sa droga at may kasong pagpatay, sa loob ng tinutuluyan nitong resort sa Nasugbu, lalawigang ito, Martes ng hapon.
Kinilala ni Nasugbu chief of police Major Ronald Cayago ang biktimang si Junnel Mar Alano, residente ng Taguig City.
Arestado naman ang suspek na nakilalang si Dennis Esmeralda, 31-anyos, isang negosyante at residente ng Biñan City, Laguna.
Ayon sa report, nagpapahinga lang si Alano sa may gilid ng dagat sa Munting Buhangin Beach Camp sakop ng Brgy. Natipuan nang lapitan at pagbabarilin ng suspek. Dead-on-the-spot si Alano dahil sa tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Agad namang naaresto si Esmeralda sa tulong na rin ng mga lifeguards, maintenance crew at security guards ng Terrazas de Punta Fuego.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na lango sa ipinagbabawal na droga ang suspek na tatlong araw na umanong hindi natutulog batay sa pahayag ng kanyang nobya na ‘di tinukoy ang pangalan.
Ayon sa nobya, nagpapahinga lang aniya sila sa loob ng kanilang kuwarto nang bigla na lang lumabas ang kasintahan sa ‘di pa malamang dahilan at pinagbabaril ang biktima.
Ayon sa rekord ng National Bureau of Investigation (NBI), si Esmeralda ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong murder sa RTC Branch 256 ng Muntinlupa City.