Retiradong pulis pinabulagta
MANILA,Philippines — Isang retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki sa Brgy. Poblacion Sur, Sta. Maria, Ilocos Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Reynaldo Castro, 61-anyos ng Brgy. Baliw Laud, Sta. Maria ng lalawigang ito.
Sa ulat, bandang alas-2:50 ng hapon habang nakaupo sa west bound lane sa tabi ng provincial road ang biktima nang bigla na lamang pagbabarilin ng mga armadong salarin na bigla na lamang sumulpot sa lugar.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw kung saan duguang bumulagta ang biktima.
Agad na isinugod sa Ilocos Sur District Hospital ang biktima ng kanyang anak na si Ryan pero idineklara na siyang dead-on-arrival.
Ayon sa pamilya, wala silang alam na kaalitan ng biktima kaya nangangapa pa ang mga imbestigador upang matukoy ang motibo sa krimen.
- Latest