Wanted na NPA commander sumuko
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Isang kumander ng New People’s Army na umaming mahilig sa mga baril ang sumuko sa pulisya matapos maranasan ang hirap ng pagiging wanted sa batas sa Tabuk City, Kalinga kamakalawa.
Sinabi ni Cordillera Police Office director Brig. General Israel Ephraim Dickson na ang kumander na itinago sa alyas na “Ka Juancho” ay may bitbit na M60 machine gun, dalawang 60mm mortar, isang desabog at sari-saring mga bala nang sumuko sa Camp Juan Duyan sa nasabing lungsod.
Si Ka Juancho ay platoon leader ng Lejo Cawilan Command, Komiteng Larangan Gerilya Baggas ng NPA Kalinga at sinilbihan ng mga warrant of arrest sa limang kaso ng attempted murder na ipinalabas ng korte sa lungsod bukod pa sa maliliit na reklamo ng pagbabanta at panghihipo.
Nabatid kay Ka Juancho na sumapi siya sa kilusan dahil sa hilig nito sa mga baril at kalaunan ay naindoktrinahan na rin siya ng idelohiya ng mga rebelde.
Sinabi ni Dickson na habang nililitis ng batas ang mga asuntong kinakaharap ni Ka Juancho ay magpapaabot ng tulong ang awtoridad sa kanyang pamilya upang maiahon sila sa kinasasadlakang kahirapan sa buhay.
- Latest