Dalaga nahulog sa kanal, lumutang
TALUGTUG, Nueva Ecija , Philippines — Patay na nang matagpuan ng mga residente ang isang 34-anyos na dalaga matapos lumutang mula sa pagkakahulog nito sa main canal ng National Irrigation Admi-nistration (NIA) sa Brgy. Sta. Catalina ng bayang ito noong Linggo ng umaga.
Sa nakuhang identification card, kinilala ng Talugtug Police ang biktima na si Mary Jane Capunpun, tubong Capaz, Tarlac at naninirahan sa Brgy. Quirino, Talugtug, Nueva Ecija.
Lumalabas na huling kasama ng biktima ang nobyo nito na si Ronaldo Peralta, 35-anyos, tubong Umingan, Pangasinan at nakatira sa Bry. Patola ng nasabing bayan. Siya ay natunton ng mga pulis kasunod ng pagkakatagpo sa bangkay ng kanyang nobya.
Inamin ni Peralta na noong gabi ng Oktubre 11, kanyang sinundo ng motorsiklo si Capunpun sa pinapasukan nitong Danila’s Videoke Bar sa Bgy. Patola bandang alas-11 ng gabi. Aniya, sa hindi pa batid na kadahilanan, bigla umanong bumaba ang biktima sa pagkakaangkas sa motorsiklo at tuluy-tuloy na nahulog sa irigasyon at tinangay ng malakas na agos ng tubig.
Dahil umano sa takot na arestuhin siya ng mga pulis, hindi umano inireport ni Pe-ralta ang nangyari sa nobya.
Dahil dito, isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid kung may foul play sa pagkasawi nito. Maaaring hindi pa umano absuwelto si Peralta sa nangyari sa kanyang nobya.
- Latest