MANILA, Philippines — Isang 11-anyos na batang lalaki ang nasugatan at nailigtas ng kanyang menor-de-edad ding kapatid na babae makaraan silang atakihin ng mabangis na buwaya habang lulan ng bangka malapit sa kanilang “seaweed farm” sa bahagi ng karagatan sa Sitio Tagpanasan, Brgy. Salang, Balabac, Palawan kamakalawa.
Kinilala ni Police Lt. Colonel Socrates Faltado ang biktima na itinago sa pangalang Akirin, residente ng nasabing lugar na nasugatan sa kanang braso mula sa kagat ng pangil ng buwaya.
Sa ulat, dakong-5:30 ng hapon, kasalukuyang lulan ng bangka ang bata kasama ang kanyang 16-anyos na kapatid na babae nang biglang umatake ang buwaya at nilundag ang biktima sa bangka. Agad nasakmal ng buwaya sa braso ang biktima na mabuti na lamang at hindi tuluyang nahila sa ilalim ng dagat matapos namang lakas loob na mapalo ng kapatid nitong babae ng sagwan.
Isinugod sa pagamutan ang bata para malapatan ng lunas.
Magugunita na hindi lamang ito ang iisang pagkakataon na may mga batang biktima na nakagat ng buwaya sa lalawigan.
Kaugnay nito, pinag-iingat naman ng opisyal ang mga namamangka na maging vigilante upang hindi mabiktima ng mabalasik na buwaya.