MANILA, Philippines – Patay ang anak ni dating boxing world champion Rolando Navarrete Sr. na isinasangkot sa umano’y pagtutulak ng ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa lungsod ng General Santos noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Rolando Velarde Navarrete Jr. alyas “Tuko”, 24-anyos, isang obrero.
Sa ulat ng General Santos City Police, dakong alas-7:35 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa biktima sa Carcon Village, Brgy. Lagao ng lungsod na ito.
Ayon sa imbestigasyon, habang naglalakad ang biktima patungo sana sa kalapit na tindahan sa nasabing lugar nang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang dalawang armadong salarin na lulan ng motorsiklo.
Sa pahayag ng mga testigo, sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar at nang kanilang tingnan ay tumambad ang duguang biktima na nagawa pang maisugod sa pagamutan pero nabigo nang maisalba ang buhay nito.
Ang insidente ay nakunan ng CCTV habang narekober ng mga pulis sa crime scene ang basyo mula sa .45 kalibre na baril na posibleng ginamit sa pamamaslang.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang ulat na sangkot sa pagtutulak ng droga ang biktima na hinihinalang siyang motibo sa krimen. Rhoderick Beñez