BAGUIO CITY, Philippines — Umalma ang 24-anyos na negosyante na sinasabing nagmamay-ari ng isa sa mga sasakyang ginamit ng mga gunmen sa pananambang kay dating Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. at itinangging sa kanya ang pulang kotseng Hyundai Elantra at kailanman ay hindi umano siya nagkaroon ng ganitong sasakyan.
“I did not acquire from anyone as I, in fact, never had the opportunity to own any Elantra car at all,” ayon sa Baguio-born businessman na si Jewel Castro.
Si Castro na may maraming negosyo sa Metro Manila, mga kalapit na lugar at maging sa ibang bansa ay aminadong mahilig sa mga sports car pero iginiit nito na kahit kailan ay hindi siya bumili ng anumang Hyundai Elantra car.
Tinawag ni Castro na “erroneous, misleading, irresponsable at reckless” ang lumabas na ulat mula sa mga awtoridad na nagkaladkad sa pangalan nito sa Sept. 11 Espino ambush na lubhang nakasira aniya sa kanyang reputasyon.
Magugunita na natagpuan ng mga pulis ang matataas na kalibre ng baril sa loob ng Hyundai Elantra na inabandona sa San Carlos City at isang Ford Everest sa Malasique, Pangasinan, isang araw matapos ang pag-ambush sa convoy ni Espino na ikinasugat nito at ikinasawi ng kanyang driver at isang bodyguard.
Iniulat ng “SITG Espino” na na-traced nila si Castro sa huling bahagi umano ng buy-sell transaction ng Hyundai Elantra car matapos na ibenta ito ng isang Marivic Villanueva, nakarehistrong may-ari ng sasakyan, sa isang Michael Padayao noong Nob. 24, 2017 saka ibinenta uli sa isang Pedravallo Luciñera at ang pinakahuli ay sa kanya (Castro). Ang asul na Ford Everest SUV na ginamit din ng mga suspek sa ambush ay nananatiling nakarehistro umano sa isang John Paul Regalado.