LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army ang patay matapos makaengkwentro ng mga sundalo sa bulubunduking lugar ng Brgy. Taopon sa bayan ng Panganiban, Catanduanes kahapon ng madaling araw.
Napuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga rebelde na ibinaba na sa bayan para sa kanilang pagkakakilanlan.
Sa ulat, dakong ala-1 ng madaling araw habang nagsasagawa ng combat operation ang mga sundalong kasapi ng 83rd Infantry Battalion, 9th Infantry Division ng Philippine Army sa pangunguna ni Lt. William Hiponia nang makasalubong nila sa bulubunduking lugar ng barangay ang pitong rebelde.
Agad na nagkapalitan ng putok ang magkabilang panig na tumagal ng 10 minuto.
Dahil sa talo sa puwersa, umatras ang mga rebelde at iniwan ang dalawang patay nilang kasama.
Nakuha sa lugar ng engkwentro ang ilang personal na mga gamit ng mga rebelde at AR15-Assault rifle. Gemma Garcia