RIZAL, Philippines – Patay agad ang isang ate na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip, nang gilitan sa leeg ng kanyang nakababatang kapatid sa loob ng garahe ng kanilang tahanan sa Antipolo City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktimang si Rodelyn Magas, 50-anyos, habang naaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Roberto Magas, 48, kapwa residente ng Lopez Ville Subdivision, Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng tahanan ng magkapatid na Magas.
Bago ang krimen ay inutusan umano ni Roberto si Rodelyn na patayin na ang telebisyon ngunit ikinagalit umano ito ng biktima at pinagmumura ang nakababatang kapatid at saka binato ng remote control ng TV.
Hindi naman nagustuhan ng suspek ang ginawa ng kanyang ate at kaagad niyang kinaladkad patungong garahe saka ginilitan sa leeg at pinagsasaksak.
Sa tulong ng mga rescue team ng Brgy. Mayamot ay isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na umabot nang buhay.
Ayon sa mga kaanak, ang biktima ay dumaranas ng malalang karamdaman sa pag-iisip simula pa noong 1998 at lumala pa ito nang sumailalim sa brain surgery, may tatlong buwan na ang nakalilipas.