TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Bagsak kalaboso at humaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang isang kapitan ng barangay matapos lusubin ng mga awtoridad ang umano’y pasugalan nito na ikinaaresto pa ng kanyang kagawad at lima pang katao sa kanyang teritoryo sa Brgy. Capatan ng lungsod na ito kamakalawa.
Ayon kay City Chief of Police Lt. Colonel George Cablarda, huli sa aktong nagsusugal sina Brgy. Chairman Pio Binayug, 56-anyos; Kagawad Wilfredo Iquin, 44, at lima pa nilang kanayon sa dalawang lamesa dakong alas-5:30 ng hapon.
Nasamsam sa mga nasakote ang isang set ng mahjong, baraha at P1,115 cash na taya.
Nagawa namang kumaripas ng takbo at nakatakas ang iba pang sugarol nang maganap ang raid.
Nabatid na ilang mga galit na residente ang nagsumbong sa pulisya kaugnay sa hindi pag-uwi ng kanilang mga kabiyak dahil sa walang humpay na pasugalan sa kanilang lugar na ang pasimuno ay mismong punong barangay.
Pinag-aaralan na ng pulisya ang pagsampa ng kaso sa may-ari ng bahay na ginagamit ng nasabing kapitan sa gambling den na umano’y wala sa Tuguegarao City.