200 MNLF rebels nasabat, mga armas isinuko
MAGUINDANAO, Philippines — Nasa 200 kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang naharang ng mga awtoridad habang pumaparada sa Buluan, Maguindanao bitbit ang kanilang mga malalakas na armas sa gitna ng umiiral na martial law sa Mindanao kamakalawa.
Umalerto ang militar at pulisya nang makitang ilang hukbo ng mga kalalakihan na mga armado at ang iba ay naka-uniporme pa ng tulad sa mga gamit ng mga sundalo ang nagmamartsa sa lansangan na may dalang mga bandila kaya sila hinarang at sinita.
Agad hinanapan ng mga kaukulang dokumento ang mga miyembro ng MNLF pero bigo silang makapagprisinta kaya napilitan nilang isuko ang mga dalang armas sa Buluan gymnasium sa bayan ng Buluan, Maguindanao, Sabado ng tanghali.
Sa ulat ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army, alas-12:30 ng tanghali nang isuko ng mga rebeldeng MNLF ang kanilang mga armas nang maharang sila sa nasabing lugar.
Kabilang sa mga nakumpiskang armas ay ang 21 na M16, tatlong M14, isang Ultimax, dalawang M4A1 carbine, dalawang garand, isang bar, tatlong cal. 45, isang M203, isang M79, isang Springfield, isang carbine, mga bandoliers at magazines na puno ng bala.
Ayon sa pinagkakatiwalaang source, magsasagawa sana ng pagpupulong ang mga miyembro ng MNLF pero wala naman silang koordinasyon sa kinauukulan o sa pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao. Kinuwestiyon din ang pagsusuot nila ng uniporme o damit ng sundalo at ang pagdadala ng mga armas gayung nasa ilalim ng martial law ang Mindanao.
- Latest