SANTIAGO CITY, Isabela – Isang 22-anyos na binata ang nahimasmasan sa loob ng kulungan matapos niyang sampalin ang isang pulis na umaawat sa kanyang kalasingan sa Barangay Centro Uno, Claveria, Cagayan, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Alwin Elvinia, isang mangingisda at residente ng Babuyan Claro, Calayan, Cagayan.
Napag-alaman na dakong alas-5:15 ng hapon nang madatnan ni Darwin Botiong, 45, isang mangingisda at residente ng Centro Uno, Claveria si Elvinia at mga kaibigan nito na nag-iinuman sa kanyang kubo na malapit sa dalampasigan ng dagat.
Agad na sinita ni Botiong ang mga nag-iinuman pero dahil sa kalasingan, bumunot ng kutsilyo ang suspek kung kaya’t minabuti ng una na tumawag ng pulis. Agad namang dumating ang mga operatiba sa lugar subalit sa halip na tumigil ang suspek sa pagwawala ay bigla umano niyang sinampal ang isa sa mga umaawat sa kanya na si P/SSgt. Erwin Abuzo ng Claveria Police Station. Bunsod nito, agad na inaresto ang suspek.