Driver bodyguard pumanaw na 10 ‘persons of interest’ sa Espino ambush

Batay sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 2 Director Brig. Gen. Joel Orduña, 10 ang sangkot sa ambush sa convoy ni Espino batay sa pahayag ng mga testigo at kuha ng CCTV sa lugar.
File

MANILA, Philippines —  May 10 “persons of interest” ang sinisilip ng mga awtoridad na nasa likod ng pananambang kay dating Pangasi­nan Governor at da-ting kongresista na si Amado “Ama” Espino Jr., habang natukoy na rin ang may-ari ng dalawang behikulo na ginamit ng mga suspek sa San Carlos City noong Setyembre 11.

Batay sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 2 Director Brig. Gen. Joel Orduña, 10 ang sangkot sa ambush sa convoy ni Espino batay sa pahayag ng mga testigo at kuha ng CCTV sa lugar.

 Nabatid na bukod sa security escort ni Espino na si P/Staff Sergeant Richard Esguerra na dead-on-the-spot sa ambush, binawian na rin ng buhay alas-6 ng gabi nitong Huwebes ang driver bodyguard  niyang si Agapito Cuizon na tinamaan ng bala sa katawan.

Nitong Huwebes, una nang nilinaw ng PRO 1 na taliwas sa unang sketchy report na inianunsyo ni Senador Richard Gordon na lima ang nasawi ay isa lamang ang patay sa mga security escort ni Espino habang nasa stable na kondisyon ang dating gobernador. Ang iba pang sugatang security escort ay sina Kervin Marfori at Staff Sergeant Jayson Malsi habang nakababa umano sa behikulo ang retiradong pulis na si Anthony Columbino na driver sa back-up vehicle.

Matatandaang dumadaan ang convoy ni Espino (dalawang sasakyan) sa Brgy. Magtaking, San Carlos City nang tambangan ng mga armadong kalalakihan nitong Miyerkules ng hapon. Bagama’t sugatan, nagawa pa rin ni Cuison na imaneho ang Toyota Land Cruiser sakay sina Espino at escort na si SSgt. Malsi na kapwa nasugatan, palayo sa lugar ng krimen patungo sa kalapit na pagamutan.

 Agad na namatay si SSgt Esguerra na nakasakay sa back-up vehicle na Toyota Innova, kasama ang sugatang si Marfori habang si Columbino na nagsilbi nilang driver ay nakababa ng sasakyan.

Si Columbino na unang naiulat na nawawala ay nagpakita na rin sa pulisya kamakalawa.

Sinabi ni Col. Redrico Maranan, Pangasinan police director, sa isang press conference kamakalawa na makakatulong sa kanilang pagsisiyasat ang makukuhang impormasyon mula kay Columbino.

Ayon naman kay Lt. Col. Mary Crystal Peralta, spokesman ng PRO 1, natukoy na ang may-ari ng dalawang behikulo na isang kulay asul na Ford Everest at kulay pulang Hyundai Elantra na ginamit ng mga gunmen.

Ang Ford Everest ay inabandona ng mga salarin sa Brgy. Pasima, Malasiqui, Pangasinan habang ang Hyundai Elantra ay inabandona naman sa Brgy. Cobol, San Carlos City. Samantalang hinahanap pa ang isang kulay itim na Toyota Wigo na ginamit din ng mga salarin. Ang nasabing mga behikulo ay pag-aari umano nina Marivic Villanueva at John Paul Regalado.

Samantala, kinondena ng pamilya Espino ang tangkang pagpatay sa dating gobernador at umaasa sila sa mabilis na pagtukoy at pag-aresto sa mga salarin. 

Sa kanyang FB account, ipinarating ni Rep. Jumel Espino ang pasasalamat sa mga nagdasal para sa kaligtasan ng ama at ng kanilang pamilya. Hiniling din niya na ipagdasal ang pamil­ya nina Esguerra at Cuison na kapwa nasawi na makamit ang hustisya kasabay ng kanyang pagpapaabot ng pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima.

Show comments