Manlalait ng mga bading, parurusahan na sa Isabela
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Ang panlalait, panunukso at pangungutya sa mga bakla at iba pang miyembro ng LGBT Community ay parurusahan na alinsunod sa pinairal na “Sexual Orientation and Gender Identity or Expression” (SOGIE) Ordinance sa kabisera ng Ilagan City, Isabela.
Ang ordinansa ay nagkabisa matapos ang 15-days publication mula nang aprubahan ng Sangguniang Panlungsod noong Agosto 27.
Ipinagbabawal sa ordinansa ang anumang gawain maging ito man ay sa kilos, pananalita o kasulatan na naglalayong insultuhin, kutyain, takutin at bigyang diskriminasyon ang mga bakla at iba pang kasapi ng LGBT community.
May kaukulang multang P1,000-P5,000 at pagkakabilanggo mula 6-buwan hanggang isang taon ang sinumang lalabag sa ordinansa.
Inaatasan din ng batas na isailalim sa mga training seminars ang mga kawani ng lokal na pamahalaan kaugnay sa pagiging sensitibo sa karapatan ng mga bakla at miyembro ng LGBT Community.
Binigyang kapangyarihan din ng batas ang lokal na pamahalaan na kumuha ng 5-porsiyento sa annual budget ng lungsod upang matustusan ang mga aktibidad at pangangailangan ng mga bakla at LGBT Community gaya ng sarili nilang palikuran at pasilidad tulad ng mga ipinatayo para sa mga inang nagpapasuso.
Sinabi ni Isabela Vice Governor Faustino Dy III na siyang magsusuri ng SOGIE Ordinance sa Sangguniang Panlalawigan na hindi muna niya makokomentuhan ang nasabing batas hanggang hindi pa niya napapasakamay ang kopya nito.
- Latest