MANILA, Philippines — Isang babaeng “suicide bomber” na pinaniniwalaang dayuhan ang nagkagutay-gutay ang katawan matapos na pasabugin ang sarili nang tangkain nitong pasukin ang isang military detachment sa Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu kamakalawa.
Wala pang pagkakakilanlan ang suspek na maputi at matangos ang ilong na tila isang Caucasian base sa narekober na ulo na napahiwalay sa gutay na katawan nito na narekober sa lugar pero ang kamay naman ay hugis lalaki.
Ito’y matapos na tukuyin ni AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na isang babaeng suicide bomber ang nasawi mismo sa dala nitong improvised explosive device (IED) na nakakabit sa kanyang katawan.
Sa imbestigasyon, isang “pipe bomb” ang ginamit ng suicide bomber sa pagpapasabog sa labas ng detachment ng 35th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa nasabing lugar.
Ang nasabing suicide bomber ay nakasuot ng kulay itim na Abaya, ang karaniwang damit ng mga kapatid na Muslim, nang tangkain umano nitong pasukin ang nasabing detachment at pasabugin pero naharang ng mga sundalo hanggang sa pasabugin nito ang sarili.
Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, kumilos na ang mga operatiba ng PNP-Crime Laboratory sa pagkuha ng mga specimen ng nagutay na katawan ng nasabing suicide bomber upang mabatid ang nationality nito sa pamamagitan ng pagsasailalim dito sa DNA test. Kabilang sa mga natagpuang bahagi ng katawan ng suicide bomber ay ang putol na kamay na may balahibo, pugot na ulo at nagkagutay-gutay na kalamnan.
Ayon naman kay Sobejana, hindi nila inaalis ang posibilidad na isang Egyptian ang nasawing babaeng suicide bomber.
Magugunita na pitong dayuhang terorista ang namonitor na nagkakanlong sa kuta ng mga ektremista sa bahagi ng Western Mindanao partikular na sa Sulu.