Ex-mayor Baldo nakalaya na
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Pansamantalang nakalabas sa kulungan si dating Mayor Carlwyn Baldo matapos pirmahan ni Legazpi City RTC Branch 10 Judge Maria Theresa San Juan Loqulliano ang paglaya nito makaraang makapagbayad ang kanyang pamilya at abogado ng P8.72 milyong piyansa kahapon ng hapon sa lungsod.
Si Baldo ay lumabas sa Legazpi City Jail dakong alas-4:30 ng hapon kung saan masaya siyang sinundo ng kanyang pamilya at mga taga-suporta sa labas ng compound ng city jail.
Si Baldo ay pinayagang makapag-piyansa ni Judge Loquillano sa kabila rin ng motion for reconsideration na isinampa ng prosekusyon sa halagang P8.72 milyong property o surety bond o P4-milyon kada count ng two-counts of murder at P120,000 kada count ng 6-counts of frustrated murder makaraang ituro ang dating alkalde na utak sa pamamaslang kay dating Ako Bicol Partylist (AKB) Cong. Rodel Batocabe, police bodyguard nito na si SPO2 Orlando Diaz at pagkakasugat sa anim na iba pa noong Disyembre 22, 2018 sa Brgy. Burgos sa bayan ng Daraga.
Tumangging magpalabas ng statement si Baldo at maging ang kanyang abogadong si Atty. Lovensky Fernandez makaraang magpalabas ng gag order ang huwes na nagbabawal na kanya at kampo nito na magpa-interview sa media.
Mula sa kulungan dumiretso ang dating alkalde sa kanilang bahay at agad nagpabili ng kanyang paboritong bulalo na kanilang pinagsaluhan ng pamilya nito.
Dismayado at lungkot naman ang naramdaman ng pamilya Batocabe at mga supporters nito sa tuluyang paglaya ng dating alkalde matapos nilang maharang ng ilang araw.
- Latest