Trader ginapos, ipinarada bago pinatay!

Pinanood ng taumbayan

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Hindi lamang eksena sa pelikula napapanood kundi nangyari sa totoong buhay matapos ang kalunos-lunos na kamatayan ng isang 55-anyos na negosyante ng quarrying matapos na igapos, iparada sa sentro ng barangay saka pinagbabaril ng pitong armadong kalalakihan sa harap ng taumbayan sa Brgy. San Vicente sa bayan ng Uson, Masbate noong Martes ng umaga.

Dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Armando Diaz Monte, quarry operator at residente ng nasabing lugar.

Sa ulat, dakong alas-10 ng umaga habang nasa tabi ng ilog ng barangay ang biktima kung saan naroon ang kanyang quarry ope­ration nang dumating ang pitong suspek na armado ng mahahabang uri ng baril. Sa hindi malamang dahilan ay iginapos ang biktima at saka pinalakad na animo’y ipinarada sa barangay. Pagdating sa sentro ay pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na agad nitong ikinasawi.

Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa motibo sa pamamaslang.

Show comments