Ex-mayor Baldo pinayagang magpiyansa

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Anumang oras ay makalalabas na sa kanyang detention cell sa Legazpi City Jail si dating Daraga Mayor Carlwyn “Awin” Baldo matapos payagan ng korte rito na makapagbayad ng piyansa sa kinakaharap na “2-counts of murder at 6-counts of frustrated murder” kamakalawa.

Sa naging desisyon ni Judge Ma. Theresa San Juan Loquinallo ng Legazpi City Regional Trial Court (RTC) Branch 10, pinapayagang makapagpiyansa si Baldo ng P3-milyon sa bawat count ng kasong murder na isinampa laban sa kanya habang bailable din ang anim na kasong frustrated murder na inihain laban din sa kanya matapos siyang iturong utak sa pamamaslang kay da­ting Ako Bicol Party-list (AKB) Rep. Rodel Batocabe at sa police escort nito at pagkakasugat ng anim na senior citizens noong Disyembre 22 sa Brgy. Burgos ng naturang bayan.

Nakitaan umano nang kahinaan ang mga ebidensiya at testimonya ng prosekusyon lalo na nang isalang sa cross examination ang anim na lumantad na gunmen na kinilalang sina Henry Yuson, Christoper Naval, Rolando Arimado, Danilo Muella, Emmanuel Ro­sillo at Jaywin Babor.

Samantala, umalma ang pamilya Batocabe sa naging desisyon ng korte na makapagpiyansa at makalaya si Baldo.

Ayon kay Atty. Justin Batocabe, anak ng pinaslang na kongresista, matinding panlulumo, pinaghalu-halong galit at pagkagimbal ang kanilang nararamdaman ngayon matapos ipag-utos ng korte na palayain si Baldo.

“Ang murder charges laban kay Baldo ay non-bailable kaya’t matinding dagok ang kautusang ito sa aming pamilya, sa alaala ng aking ama, at sa mga taong nananalig sa sistema ng hustisya sa Pilipinas,” ayon kay Atty. Justin.

Iginiit ng pamilya Batocabe na malinaw ang tinutumbok ng mga ebidensya at walang dudang si Awin Baldo ang mastermind sa krimen.

 Kinondena naman ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., ang takdang pagpapalaya kay Baldo.

Mag­hahain ng “motion for re­consideration” ang pamilya Batocabe dahil sa inaasahang pag­laya ni Baldo.

Show comments